Skip to Content

Year of the Dragon

Posted on January 22, 2012 at 11:36 am | Categories: life | No comments

Sa pagpasok ng taon ng Dragon, gusto kong magpasalamat.

May ngiti kong masasabi na naging mabuti sa’kin ang nagdaang taon. Nanatiling malusog ang mga mahal ko sa buhay at nakasama ko ang aking pamilya ng higit sa pangkaraniwan. Nadagdagan ako ng mga kaibigan at napagtibay ang samahan ng mga dati. Nabigyan ako ng mga pagkakataon makapag bahagi, bagaman ng konti, ng saya sa iba. Napag yaman ko ang sarili at nakapaglagay ng ngiti sa ilan.

At bagaman, may mga bagay din akong ginusto na hindi nangyari, hindi ito sapat para hindi magpasalamat. Datapwat, dapat pa ngang isipin na ito’y mga bagong pagsubok. Mga bagay na aabutin sa pagsalubong sa taon ng Dragon.

Angkinin natin ang bagong taon, at sa pag angkin sana ay sumobra – nang tayo naman ang maging biyaya sa iba.

Ikaw, nakapag pasalamat ka na ba?

 

Michael Kenna

Posted on August 16, 2011 at 6:16 pm | Categories: life, photography | 3 comments

“Do you want to meet Mr. Kenna?”

At ganun na nga ang nangyari nakaraang Linggo. Sa bisa ng panyaya ng isang gallery na kumakatawan sa aking mga gawa, nagkaroon ako ng pagkakataon personal na makilala ang isang idolo.

Sinimulan ni Michael ang pagsasalita sa isang pasasalamat – sa mga dumalo at pagkakataong naibigay sa kanya ng gallery. Ipinakiusap din nya sa lahat ng dumalo na patuloy na sumuporta sa gallery kung saan sya kasalukuyang nagsasalita. “This is very important” dagdag pa nya.

Sa biglaang dinig, iisipin mong parang isang malaking advertisement para sa gallery. Parang halik sa pwet ng may-ari. Pero sa kabilang banda, isa din itong lehitimong pagtawag ng suporta sa sining. Sining ng potograpiya. Wala naman syang sinabing tangkilikin ang sariling gawa.

Umpisa pa lang, alam ko na – may mapupulot ako dito :)

Hindi ko na hihimay-himayin ang mga sumunod na nangyari. Ibabahagi ko na lang ang mga bagay na narinig ko ayon sa aking interpretasyon kahalo ng sarili kong pananaw.

* Laging magpasalamat.
* Magtiyaga. Higit sampung taon syang naglingkod sa iba. Taga print.
* Magbalik sa komunidad. Magbigay kung kaya. Pagyamanin ang komunidad kung saan ka nabibilang. Mali siguro isipin na “kalaban” o kompetensya ang kapwa artista. Magtulungan. Isiping katuwang ang kapwa sa pag-angat ng kamalayan. Lalo na sa potograpiya kung saan madami pa ring pagtatalo kung sining o hindi.
* Magbilad sa iba pang porma ng sining. Makinig, manuod, magbasa. Ang mga nakikita, naririnig at nararanasan ay halo-halong humuhulma ng iyong pagkatao na magdidikta ng iyong sining.
* Magbigay ng pagkilala sa mga nauna sa’yo. Ang impluwensya nila ay hindi masusukat.
* Kilalanin ang mga kasabay mo.
* Mas madalas sa minsan, wala sa gamit yan.
* Gumamit ng mga bagay na komportable sa’yo.
* Hindi mo kasing galing ang sarili pagkatapos ng matagal na panahon na di pag gawa. Kakalawangin ka, kahit hindi ka bakal.
* Nasa print ang magic. Kung di mo lubusan maintindihan, tanungin mo ako mamaya. Mahaba kasi ipaliwanang.
* May tsamba.
* Madalas maka tsamba ang mas madalas sumubok.

Sa dulo, napatotohanan ang mga bagay na matagal na nating alam. Ang iba naman na nabanggit ay nag-iimbita ng mas malalim na pagsusuri. Kung ano pa man, naging makabuluhan ang hapon na yon dahil bukod sa tangan kong librong may lagda – kasama din nito ang kaalaman ng isang taong pumitik at patuloy na pumipitik sa loob ng tatlumpo’t limang taon.

Litrato ba kamo? nasa dingding dito :)

paglipas ng limang taon

Posted on January 26, 2011 at 9:29 pm | Categories: life | No comments

“basta ako tol, pag tatlong araw na, wala pa ring tao – pack up mo na ko”

Tandang tanda ko pa ang biruan namin ni RJ sa lamay ng bunso kong kapatid. Nagbiro kami dahil sa dami ng pumunta sa lamay ni Richter. Mga taong hindi ko kilala. Mula sa mga skater hanggang sa mga propesor. Mula sa nakahubad ng pang itaas hanggang sa naka barong. Pati ang mga taong nakabanggaan nya ng opinyon, nandun.

Nagbabalik na naman ang mga alala ni Richter. Sunod sunod na naman akong nakakatanggap ng liham sa mga dati nyang kaibigan. Hinahanap kung saan sya nagpapahinga. Yung iba kaibigan sa highschool. Yung iba, nung kolehiyo. Yung iba, hindi nabalitaan. Lahat nagsasabi na naging malaking impluwensya si Richter sa buhay nila. Yung isa, sa musika. Yung isa, sa relihiyon. Yung isa, kursong kukuhain sa kolehiyo.

Lahat sila si Richter ang hanap.

Siguro, nagsasabi lang sila ng mabuti kasi umalis na ang kapatid ko. Ganyan naman talaga – alam ko. Pero andami? hindi nga?

Nakakahiya na nakapang hihinayang. Lumalabas na di ko kilala ang kapatid ko. Nag dududa ako sa mga papuri sa kanya. Pero kung iisipin, yung iba, buhay pa pero nakakalimutan na. Yung iba pa nga – malakas pa, pilit naman kinakalimutan.

Yung kapatid ko, paglipas ng limang taon, buhay pa rin.

“What we do in life, echoes in eternity.”

Ikaw, gusto mong mabuhay sa panghabang panahon?

more human

Posted on August 13, 2010 at 9:27 pm | Categories: life, photography, Print | No comments

I just finished an interview for POP-PHOTO magazine in China. Together with my gallery representatives, we sat down for the question and answer. Knowing that I came from pigment prints, I was asked what I think of my platinum/palladium. I looked intently to my prints and mumbled, “it feels more human.” Then I said it again louder with more conviction.

It’s like I just discovered something new.

In comparison to my inkjet prints, the platinum palladium prints are with flaws. Gradations are not as smooth. Things are not as sharp. Even the tones are not even for each print. But why does it feel more ‘alive’ ? why are they so attractive? I know that it’s all subjective but why is it to me. Why when what I aim for is perfection in every piece.

I recognise that the same characteristics can be said to the prints of some photographers I look up to. Their prints in silver gel and pt/pd are with flaws while their digital ones are more ‘perfect.’

What’s going on?

Then I realised that, maybe, in some level, I connect more with the scratches and dustspots because I am human – with imperfections. And since platinum palladium prints are coated by hand – no two prints will look exactly the same.

My work now represents me more than ever.

Flawed.

Human.

Unique.

Collector’s Guide Platinum Palladium

textbum

Posted on July 19, 2010 at 8:40 pm | Categories: in between, life | No comments

The title is derived from the famous song sexbomb of  Tom Jones – another song we all love but hate. Let’s leave that for another discussion.

Tagalog na.

TXTSPEAK

Bago pa man naging sikat ang mobile phones ay ginagawa na ito ng mga hacker (in it’s true sense)

Sa pagpapaikli o pagpapalit palit ng letra ng salita, naiiwasan ng mga hacker ang mga word filters. Ang resulta, naitatawid nila ang mensahe na gusto nilang iparating.

halimbawa: ang porn ay ginagawang pron o pr0n, kung ang word filter ay porn o any four letter word composing of p,o,r,n.

Isa ang layunin. Ang makapagtawid ng mensaheng malinaw.

Aba’y ano na ang nangyari ngayon?

Hindi ko maintindihan.

Meron bang nagbukas ng dam ng mga bagay na di mainam at madaming pinoy ang nabasa?

Naiintidihan ko ang dahilan sa likod ng putol putol na salita sa mobile phone. Kailangan kasing paikliin ang mga salita para magkasya sa limitadong bilang ng letra. Mas mabilis. Mas matipid. Pero bakit kailangan palitan ang mga letra kung pareho lang naman ang bilang?

Aco kapalit ng ako (at isang damakmak na kumbinasyon)

Minsan, lalo pa ngang humahaba (acoh)

Bakit kailangan mag text speak kung hindi naman mobile ang gamit at hindi naman limitado ang pag-gamit ng letra?

Bakit textspeak pa rin sa mga bulletin boards at forums. Minsan pa nga pati sa formal writing, may nakakalusot. Nakasanayan na kasi.

Dahil kaya isa itong paraan para masabing “uy cool ‘tong kausap ko.”

Alam ba natin na tayo lang din ang nakakaunawa sa sinasabi natin? Sa katunayan, hindi pa nga lahat.

Hindi tulad ng xoxox na maraming banyaga ang nakakaunawa, bagaman hindi din lahat.

Alam ba natin na sa internet, sa paraan lang ng pagsusulat makakasilip ang mambabasa kung ano ang personalidad ng sumusulat? edad, pinag-aralan at kung taga-saan

Ano ang opinyon mo sa taong magsulat ay ganito?

miz coh na kau 2 Mayang!!! tsupmwahpzzzzzzzzzz…. kiz mo rin ko kay eng2x mmmmmmmmmmmmmwwwwwwwwaaaaaaaaahhhhhppppppppzzzzz!!!

Dapat pa ba nating pag-usapan ang AlTeRnAtInG cAps?

Diploma

Posted on October 27, 2008 at 5:47 am | Categories: blog, life | No comments

Sabi ng mga wala, kapirasong papel. Sabi ng mga mayroon, dangal at kasiyahan.

Papel man o dangal, nakakalungkot dahil may mga pagkakataon na kailangan nito para maka katok sa pinto ng pagkakataon. Pag wala kang diploma, masdan mo na lang ang pinto. Dun sa malayo.

Ang kintab ano?

Gaano nga ba kahirap kumuha ng diploma?
Kailangan mong pumasok sa eskwela para magkaroon nito. Ngayon, pwede na ang online pero ganun pa din. Papasok ka pa rin. Mapalad ang mga tao na kumuha ng kurso kung saan sila interesado. Pangalawa na lang siguro ang diploma. Una ang pagiging aral.
Para sa mga walang interes, mahirap. Apat na taon mong bubunuin ang pagpasok. Araw araw mo itong gagawin hanggang sa araw ng pagtatapos. May malaking pag kakaiba ang pag aaral keysa sa pagpasok. Di maikakaila na madaming pumapasok pero hindi nag aaral.
May mga tao din naman na ubod ng husay. Mga walang diploma ngunit matagumpay sa buhay. Ang gamit ko na PC ngayon, gawa ng isang tao na walang diploma. Si aling Anita na kapitbahay namin na ubod ng taas ang bahay, balita ko elementarya lang ang inabot.

Gusto ko sanang gawin dahilan ang pera sa di ko pagtatapos pero naniniwala akong hindi iyon hadlang. Yung bunso kong kapatid nakapag tapos naman. Tunay ngang makakapagtapos ka kung gusto mo. Kung saang paaralan at gaano katagal ay iba ng usapan. Alam ko ang dahilan sa likod ng paghahanap ng diploma. Paano mo nga naman patutunuyan ang iyong talino at tiyaga?

Hindi garantiya ang diploma sa masaganang buhay pero sa totoong mundo, walang diploma, limitadong pagkakaton. Simple.

Kung mayroong patunay sa akin ang diploma, ito’y ang tiyaga ng may hawak nito, hindi ang laman ng kanyang ulo. Apat na taon ng pagpasok sa eskwela. Nag aaral man siya o hindi. Mahirap nga naman yun. Hindi ko na isusulat ang mga bagay na kontra diploma. Alam mo na hindi ito batayan ng talino.

Di ko masabing hindi ako naniniwala sa diploma. Siguro dahil wala ako nito. Ang katotohanan ay GUSTO kong maniwala. Gusto kong mangiti sa isang taong meron nito. Ang magsabi ng “ang galing!” tuwing makakakita ako.

Para sa akin, ang diploma, tulad ng maraming bagay, ay isa lamang kasangkapan. Kasangkapan na maaaring magpadali ng buhay mo. Kasangkapan na ipangkakatok mo sa pinto ng pagkakataon.

Pag wala. Tignan mo – baka bukas ang bintana.

Basahin

Dugo at Tato

Posted on October 20, 2008 at 2:31 am | Categories: blog, life | No comments

Napanuod ko ang isang episode ng XXX. Isang programa ng ABS-CBN. Tinalakay dito ang pag abuso ng mga banko ng dugo para sa komersyo. At bagaman nakita ko ang kahalagahan ng balita, meron din akong napansin na pagkakamali.
Sa ibaba ay ang kopya ng liham na pinadala ko sa kanila. Marahil ay sa basurahan lang ang tuloy nito pero, para sa akin, dapat pa rin bigyan ng pansin.

From: ReD Ognita <[email protected]>
Subject: dugo at tattoo
To: [email protected]

Greetings ABS-CBN,

Blood is a serious thing. I have come to know it personally.


I was able to watch your XXX episode (10-18-08) in regards with the abuse of commercial blood banks in Manila. It is the episode wherein an HIV positive was able to donate blood in Seaton Blood Bank. Though I find the episode very informative and important I also noticed a misconception. I’m not even going to touch stereotyping.

The idea that a person with a tattoo cannot donate blood is false. I know that a person should wait 12 months before he can donate. The same applies for body piercings or any operations that involves needles. I have waited up to the end of the show to see any clarifications that you will make in regards of the tattoo, but there was none. Please inform the public well. There might be persons who have tattoos that are willing to give blood but are misinformed.
I have provided links to my claim I know you already know of. http://www.redcross.org.ph/Site/NBC/FAQs.aspx http://www.redcross.org/services/biomed/0,1082,0_557_,00.html#tat

My name is Daher Ognita, currently based in Beijing. Pilipino. I have been donating blood here in Beijing for 3 years and yes, I do have a tattoo.

 

Sabi nila, madami daw pakahulugan ang tato. Para sa mga tao nuon, isa itong simbolo ng katayuan sa pamayanan. Ngayon naman, mas kilala ito biglang isang paraan ng pagpapahayag sa sarili.
Anuman ang dahilan ng isang tao sa kanyang tato, hindi ito dapat makapigil sa kanyang pag-unlad at higit sa lahat, sa pagtulong sa kapwa.

 

Bahay

Posted on September 19, 2008 at 11:43 pm | Categories: blog, life | No comments

“Daddy, kelan ka uwi?”
Tanong yan ng panganay kong anak habang nasa Pilipinas ako. Ang ibig n’yang sabihin ay kailan ang balik ko sa Beijing para magtrabaho. Uwi.

Laging me kalapkip na saya ang salitang “uwi” para sa akin. Elementarya, Highschool at Kolehiyo panalo ang uwian. Kahit sa trabaho, pag uwian na… masigla na. Sino ang di masaya pag uwian na?

Pero sa pagkakataon na ‘to – nadurog ata ang puso ko. Ang matanong kung kailan ang uwi mo samantalang nasa bahay ka – ang lungkot.

Meron na din akong 7-8 taon sa Beijing. Maliliit pa ang mga bata ng ako’y umalis. Para saan? ang sagot ko ay tulad din ng sagot ng madaming pinoy na nasa labas ng bansa para maghanap-buhay.

Tulad ng maraming bagay, pagpili lang yan. Pili ka. Pinas, hirap pero kasama ang pamilya o sa labas, ginhawa pero malayo sa pamilya. Pinili ko ang labas, gusto ko din kasi ng maginhawang buhay at mas magandang laban ng mga bata. Di naman ako pinanganak ng mayaman kaya di ko kayang kumuha ng dalawang bagay ng sabay. Pili nga lang talaga.
Taon taon, umuuwi ako… at masaya kong nalalaman na ako pa rin ang bida sa mata ng mga anak ko. Dito, isa akong empleyado. Dun, lahat kaya ni daddy. Sabihin mo ke daddy. Isumbong mo ke daddy. Si daddy ang bahala.

Ako si superman.

Hanggang kelan ako dito? seryoso… di ko din alam. At hanggat di ko alam, mananatiling “bahay” ko ang isang lugar kung saan di ako isang superhero.

Si Ate Jojie

Posted on May 3, 2008 at 3:29 am | Categories: blog, life | No comments

“di ko rin alam sasabihin ko tol”
“Buhay dre. Buhay”

Sa labas ng ospital dito sa Beijing sinabi ni Owen sa’kin yan. Nasa loob ng ICU ang nakatatanda nyang kapatid na si Jojie.

Bumisita si Ate Jojie dito kamakailan lang. Wala pa nga sigurong isang buwan. Bumisita na din daw si Ate Jojie dito sa China dati, nuong nasa Chengdu pa sila Owen. Umuwi na lang hanggang sa magsawa. Sa totoo lang, di ko naman talaga kilala si Jojie. Minsan ko lang s’ya naka kwentuhan, dun sa kusina nila Owen, habang nakiki-kain ako. Di ko na nga maalala kung ba’t ako andun. Siguro merong darts.

Sa kusina, pinakilala ako ni Owen at yun nga, ate nya. Malinaw pa sa’kin nang tinanong ako ni Ate “Daher pangalan mo? pilipino ka ba?” medyo nagkatawanan ng konti kasi nag uusap na kami ng tagalog nung panahon na yun. Siguro nagtaka kung ba’t Daher ang pangalan ko. Di kasi pangkaraniwan sa pinoy.

Matapos ng panahon na yun at paglipas pa ng mga ilang araw, nagkikita pa rin kami ni Ate tuwing naka kila Owen ako. Bagaman, wala ng masyadong kwentuhan, andun pa rin ang batian na tila matagal na kaming magka-kilala.

Nung nakaraang araw, umalis na si Ate. Umalis sa kahulugang, malaya na s’ya sa mundong ‘to. Matatag na tinaggap ni Owen. Di ko nga s’ya nakikitaan ng panghihina kahit alam ko na masakit.

Oo, alam ko.
Dumaan ako sa parehong mga yapak 3 taon na ang nakalilipas.

At bagaman tulad ng una kong sinabi na di ko masyadong kilala si Ate Jojie, alam kong mabuti s’ya.

Naniniwala ako na di magkalayo ang magkapatid.

Kwaderno

Posted on March 20, 2008 at 3:24 am | Categories: blog, life | No comments

Semana santa na naman. Hwebes-santo ngayon.

Di naman talaga ako relihiyosong tao, pero ngayon, mas pansin ko na ang panahon na ‘to.

3 semana santa’ng nagdaan, umakyat ang bunso kong kapatid sa bundok ng pananampalataya. Siguro, para patatagin ang kanyang paniniwala. Nanghihina siguro sa mga bagay na nakikita at nararanasan. Bakit ganun, bakit ganto. At bagaman patuloy na lumalaban para sa pagbabago, napapagod din. Tao lang.

Sa pag alis nya, kinalikot ko ang kanyang mga gamit. Bagay na ikaiinis nya kung makikita nya ako. Sa kanyang kabinet, sa tabi ng madaming libro, dun sa gilid ng kanyang aparador na kaka-unti ang damit, nakuha ko ang kanyang mga sulat. Sa isang kwadernong mayroo’ng drawing ni Scooby-doo ibinubuhos ng kapatid ko ang kanyang kaluluwa. Mga tula, saloobin, panghihinayang at pag asa ng isang dalawampu’t tatlong taon na binata. Nakita ko ang kanyang opinyon sa maraming bagay – sa pulitika, relihiyon at gobyerno. At bagaman kilalang rebelde sa pamilya, walang akong nabasang masamang damo para sa sinoman.

Meron syang liham ng pasasalamat sa aming ama at ina. Isang bagay na lagi kong nakakaligtaan gawin. Nakakahiya.

Sa kwaderno, meron syang mga posisyon na bagaman aking sinasang ayunan, ay di ko kayang gampanan. Isa na dito ang pagkilos sa pagbabago, “wala kang karapatan magreklamo kung di ka kikilos” ika nya – naaalala ko pa. May pamilya na kasi ako, iba na ang ihip ng hangin. Pero minsan, naaisip ko, mas madaming nag ambag ng pagbabago na merong pamilya. Parang mas dapat nga akong kumilos dahil isa akong ama. O’ siguro, duwag lang talaga ako. Mas nanaisin kong manuod sa isang tabi at manalangin na manalo sana ang grupo kina-aayunan ng aking opinyon.

Mas nakilala ko ang aking kapatid sa pagbabasa ng kanyang mga isinulat. Sabi nga nila, ang pagkatao ay ikaw sa panahon ng iyong pag iisa.

Naaalala ko pa nuong nag-usap kami bago sya nawalan ng malay, tinanong ko kung ano ba ang ginagawa nya dun at ang sabi nya “pilgrimage yun kuya.” Isang makabuluhang paglalakbay patungo sa isang sagradong lugar na mayroong malaking kahalagahan sa paniniwala at pananampalataya ng naglalakbay.

Siguro, nakarating na nga ang utol ko.


Kung

Posted on October 23, 2007 at 1:25 pm | Categories: blog, life | No comments

Kaninang umaga, habang nasa opisina ay binigyan ako ng isang forwarded email ng isang kaibigan. Tungkol ito sa isang ama at ang kanyang mga saloobin tungkol sa pagkasawi ng kanyang asawa sa nagdaang Glorietta blast. At tulad ng isang taong puno ng hinagpis, marami siyang mga “sana” at “kung.”

Nuong nakaraang taon ay dumaan din ako sa mga yapak niya ngayon.

Napakaraming bagay ang tumakbo sa isipan ko nuong mga panahon na yun. Halos lahat ng “kung” at “sana” ata ay naisip ko. Naisip ko kung halimbawang ganito kaya ang ginawa ko, mangyari pa kaya yun? e kung eto kaya?

Sa huli, lahat ng ito ay nasa isip ko lang.

“We look at death in a selfish way” di ako ang nagsabi nyan. Pero kung iisipin mong maigi nang walang balot ng emosyon, makikita mo na meron itong bahid ng katotohanan. Sasabihin mong “sayang” pero sayang para kanino? para sa iba di ba? ”Marami pa syang matutulungan” para sa iba pa rin. ”Kawawa naman ang mga iniwan nya” para sa iba na naman. Pero para dun sa mismong namatay, meron ka bang naisip na para sa kanya? ”At best, he’s angel and at worst, he’s at peace, free from all worlds’ the troubles”

Lubusan din akong nalungkot sa pagkawala ng bunso kong kapatid. At bagama’t alam ko ang mga bagay na ito, hanggang ngayon, pabugso-bugso, naiisip ko pa rin ang maraming “kung” at “sana”

Tao lang.

To fear death, gentlemen, is no other than to think oneself wise when one is not, to think one knows what one does not know. No one knows whether death may not be the greatest blessing for a man, men fear it as if they knew that it is the greatest of evils. And surely it is the most blameworthy ignorance to believe that one knows what one does not know. –Socrates (469-399 B.C.)